Kapiling ko sa paglaki ang pangamba,
hindi ko tiyak ang bukas na laging nakakawing
sa mga sasakyan sa kalyeng laging nag-uunahan,
masagi ka man ng tricycle lola, sorry na lang.
mga banketa na may bukas na pinto sa swelo,
mga balat ng saging na maingat na nilagay sa gitna ng lalakaran mo.
mga dura ni Tatay, mga ta-che ni Bantay.
Kinatakutan ko ang pag-iisa.
Sa pagiging buhay,
kaharap ko’y tagsalat.
Pagkat ang lupit ng digmaan
ay hindi lamang
sa paggulong ng mga ulo
o sa pagguhit ng espada,
kundi sa unti-unting pagkaubos
ng pagkain sa hapag.
Saan hahanapin ang susunod na kakainin?
Saan makakakuha ng pambili sa niresetang Amoxicilin?
Sino ang sisisihin sa kawalan ng malinis na tubig?
Walang sandaling
walang panganib.
Sa sariling tahanan,
wala ring katahimikan.
May umiiyak na sanggol sa iyong paanan,
meron ding crying baby sa likod ng dingding na iyong sinasandalan,
nawalan pa ng ilaw at syempre bentilador,
paano ngayon patutulugin si Junior?
Sa lansangan,
ang paglalakad sa gabi’y
pag-aanyaya sa kapahamakan.
Sa aking lipunan,
ang pagtutol sa kaapiha’y
paglalantad sa higit na karahasan.
Kay tagal kong pinag-aralan
ang puno’t dulo
ng digmaan.
Sa huli’t naunawaan,
na ang paninirahan sa Pilipinas
ay walang katapusang pakikibaka
para mabuhay at mangarap ng maraya.
Salamat kay Joi Barrios at sa orihinal niyang tula: Ang pagiging babae ay pamumuhay sa panahon ng digma para sa inspirasyon.
0 comments:
Post a Comment